Friday, April 24, 2009

pangalawang araw ng...

Patigasan, Katayan, Pananagutan= ang realidad ng pagkuha ng klase sa "tag-araw" na termino.

Bago nagsimula ang pagdurusa: Halos tanghali na rin nang ako'y bumangon. Siguro di ako magigising kung hindi nagtext si Kuya Rocky na kagigising pa lang rin siya. Pagkatapos nun: kumain na rin ng tanghalian, naghanda para pumunta sa DLSU, at siyempre naipit na rin sa di maiiwasang trapik sa EDSA.

Dumating ako sa DLSU at kaagad inantok ako. Habang nagkakape ako, andami kong nakausap: mga kaklase, at pati na rin ang mga ibang kaibigan ko sa YFC. May balita pala si Ate Carmel mula sa aking tito sa GK. Ewan ko nga pala kung mahihinayang ako o maiilang sa akin narinig. Medyo nakakalungkot talaga na hindi ako makakapaglingkod ng husto sa GK. Pero alam ko na hindi pa ako handa na buuin ang aking taya sa laban na ito. Marami pa akong dapat ipapatupad at tatapusin, bilang estudyante, lider sa SMS, ate sa YFC, at kung anumang responsibilidad na naipatong sa akin sa ngayon.

Ang unos: Pumunta nga ako  sa klase na halos hindi handa, gaya ng kahapon. Pasalamat na lang na sariwa pa ang alaala ng aking paghihirap sa unang kong pagpasok kaya medyo nakapagsuri ako ulit ng aking mga sinulat. Mahirap talaga makilahok sa talakayan pag bulol ka na, lalo pa pag wala ka pang alam.

Tama nga ang aking hula: ang klase ngayon ay puno ng tanungan at pangamba, konting katayan, at kulang na kulang sa pagtawa. Sana talaga na di ako nakilala ng guro. Sana talaga na hindi na lang ako nagsalita sa klase. Pero siguro masaklap rin na di mabigyan ng pagkakataon na ipatunay na karapat-dapat nga ako sa klaseng yun.

Kaya ngayon, talagang susubukan ko magbasa sa Filipino. Susubukan ko rin magsulat sa sarili kong wika. Oo, aangkinin ko na talaga. Kahit lumaki ako na nagsasalita ng Ingles, kahit naging mahusay ako sa pagsulat sa Ingles, hindi ko maihiwalay ang aking komunikasyon sa aking loob.

Pauwi: Napapaisip habang binabasa ang mga artikulo nina Virgilio Enriquez at Zeus Salazar. Malaking pagkamulat talaga para sa akin na tapusin ko ito. Habang ako'y nagmuni-muni,. bumalik rin sa aking alaala ang mga kanta ng aking pagkabata. Bagay na bagay talaga na alahanin ko ngayon ang mga ito: bukas di na ako bata, dalawampung taon gulang na ako.

Bakit nga ba ganon? Nahihirapan ako pag pinaala mo sa akin sina Festinger, Kohlberg, at kung anu-ano pa sa aking inaaral, pero parang ayaw mawala sa aking malay ang musika at sining na nagpapakulay sa akin, na naging dahilan at paraan ng aking pagkapasok sa pamantasan...pero kailangan ko muna itabi ng sandali para lang abutin ang isang pangarap?

Ano ba talaga ako: misyonero na mahilig magsulat habang nagaaral ng sikolohiya? O isang nanangarap na sikolohista na sumusulat para gampanan ang isang misyon? O isang manunulat na may misyon na nangangailangan gamitin ang sikolohiya?

3 comments:

  1. tama yan Kat.. Tangkilikin ang literatura na sariling atin. Lalo na kung ito'y limbag sa wikang Filipino. Onting grammar check na lang. ayos na yan.. hehehe... Go go go!

    ReplyDelete